Mamang Bulag
naalala ko isang araw, naglalakad ako napansin ko sa tabi ko, isang mamang bulag naglalakad patungo sa overpass nagmamadali ako; hindi na ako tumigil nilagpasan ko siya, pero napaisip ako sino kaya itong mamang ito? ano kaya ang ginagawa niya sa lugar na ito? habang patuloy sa paglalakad, naroon na sa overpass naalala ko ang mamang palagi kong nakikita sa may tabi ng hagdan, habang pababa sa kabilang banda ng kalsada mayroong isang mamang nakaupo dapat sa may hagdanan, kinakapa ang lakaran humihingi ba ng pera? Hindi naman halata basta’t mayroon siyang hawak-hawak na lata parati itong nasa kanyang kandungan bawat umaga na dadaan ako roon palagi kong makikita ang mamang iyon pero sa umagang ito, wala siya napaisip ako: siya nga ba ang nalagpasan ko kanina? Naiwan sa isip ko ang tanong na nais ko sanang isagot ng iba sa inyo ngunit pagkakarating ko sa aking destinasyon nakalimutan ko na ito: “ano ang gagawin mo kapag nakakita ka ng bulag na naglalakad sa tabi mo?”
Pagkalipas ng ilang araw, doon pa rin sa dinadaanan ko nakita ko nanaman siya, naglalakad patungo sa overpass Bago man ako makagalaw, mayroon isa pang taong nakapansin ng mamang bulag na dahan-dahan lang naglalakad patungo sa overpass na kanyang tinatambayan narinig ko pa tinanong ng mama, “boss, sa’n po kayo pupunta?” inabot pa niya ang kanyang kamay para lang tulungan siya ako naman, patuloy ng paglalakad napaisip tuloy sa ginawa niya ano kaya ang gagawin ko sa susunod na makita ko ang mamang bulag na naglalakad patungo sa overpass? Hanggang ngayon ay hindi ko alam kahit isang sagot man lang, walang pumapasok sa isip ko sobrang hiya talaga ang nararamdaman ko simpleng tanong lang sana, ‘di man lang masagot ng isang taong katulad ko, isang taong kuno anak ng Diyos nagsisimba bawat linggo, nag-aaral sa Ateneo sa sitwasyon ko, anong magagawa ko? Maaari ko ngang tulungan man lang si lolo kaso nga lang, nagtaka rin ako ka’yo, ano gagawin ninyo kung makakita kayo ng mamang bulag na naglalakad sa tabi niyo?
*Sinulat ng ika-15 ng Hulyo 2013. *
Originally published on A Collection of Thoughts from Yesterday's Tomorrow